Mahalin Ang Asawa

by jobrobinson

Tatlong buwan na kaming kasal ng aking asawa. Gaya ng ibang mag-asawa, syempre masarap ang buhay na may kasama na sa buhay. At gaya ng ibang mag-asawa, syempre nagtitiwala lang din kami sa Panginoon na kahit gano man kami ka imperpekto, andyan ang Kanyang grasya (pasensya na, di ko talaga alam pano sabihin ang salitang GRACE sa tagalog).

Sa pangatlong buwan namin, may mga di kami napagkakaintindihan. Pero sabi nga nila, mas masarap ang pagmamahalan pag kakabati lang. TOTOO PO YAN! Di ako nagsisinungaling. Di nga, maniwala po kayo.

Nung isang araw, nagbabasa ako ng Bibliya at nabasa ko na naman uli yung sabi dun na ang mga LALAKI daw, MAHALIN daw dapat ang ASAWA. Sa mga BABAE naman, RESPETUIN daw ang asawa. Tayo pong mga lalaki, ang pinaka dapat gampanan natin ay ang mahalin ang ating mga asawa. Opo, ang iba po sa inyo, kung meron mang iba (parang wala namang babasa nito), ay sasabihing, “tumahimik ka ngang bata ka…tatlong buwan pa nga lang kayong kasal.” Di po ako makikipagtunggali kasi totoo po yung iisipin nyo po, na wala pa akong karapatan magsalita bilang isang kasal na lalaki.

Ngunit, subalit, datapwa’t (sabi ng Tagalog kong asawa lagyan daw ng apostrophe sa may ‘t’ sa datapwa’t), ang sinabi ko pong katungkulan nating mga lalaki na MAHALIN ANG ASAWA ay hindi ko po sariling salita. Salita po ng Diyos, na hindi ko po ididiin kong di po kayo naniniwala sa kanya.

Sabi po nila, ang pamilya daw ay ang pangunahing pangkat ng lipunan. Ang dami pong mga kabataan ngayon na nakasama ko na nagulo ang buhay dahil sa mga nangyayari sa kanilang mga magulang. Pag pinakikinggan ko po yung mga kwento nila, mas naiintindihan ko kung bakit andami nating problema sa lipunan. Kung may mga politiko mang nangungurakot, pwede pong bumalik yan sa pamilya ang nagdulot sa kanyang pagkatao. Pwede po diba?

Alam nyo po, mahal ko ang asawa ko. Bata pa po kami pero patuloy ko pong mamahalin ang asawa ko. Kung may mga sitwasyon mang mahirap gawin po ito, gagawin ko pa rin po. Kaya po til death do us part. May nabasa nga akong aklat, sabi dun may mga pagkakataon na pakiramdam ng lalaki na di na sya nirerespeto ng kanyang asawa. Pero sabi ng manunulat, ang kilos ng mga babae sa ganyang sitwasyon ay tugon lang sa kilos din ng lalaki. Na nagkulang na rin sa pagpapahiwatig ng pagmamahal ang lalaki. Kasi pag ang babae daw ay di masyadong nararamdaman na mahal sya ng asawa, respeto po daw ang pinakamaaapektuhan sa kanyang mga kilos. Totoo po diba?

Ang dami pong politiko na gusto ng rebolusyon, ng pagbabago. Pero yung asawa nila nag-aantay din ng rebolusyon sa buhay mag-asawa nila. Mga pastor na ang daming ginagawa para sa Panginoon, pero sa sarili nilang asawa, wala na masyadong panahon. Ang dami po nating gustong gawin para sa pagbabago… Pero ang alam ko po, nagsisimula sa maliliit na bagay ang tunay na rebolusyon. Ang pagmahal sa asawa para sa mga may asawa, ito po ang tunay na rebolusyon.

20120116-024652.jpg

Kaya ako po, mamahalin ko ang asawa ko araw-araw. Sa pamamagitan ng grasya ng Diyos, kami po ng asawa ko ay mananatiling mag-asawang namumuhay at nagmamahalan para sa Panginoon.

P.S.: Ang hanep kaya ng may nagmamahal sayo. KAY SARAP O PAG-IBIG!

Ito ang rebolusyon.

Advertisements