Anatomiya Ng Kalat: Nasaan Ang Shorts?

by jobrobinson

Buhay mag-asawa nga naman, andami mong matututunan. Hanep lang na may kasama ka sa buhay na kasing ganda ng asawa ko! At hanep na sa isang gabi, may isang napakalaking aral na natutunan ako sa kanya–

Ang kalat, nagsisimula sa isa. -Misis

Nagliligpit si Misis kanina at nung tapos na sya, natapos na din akong maligo. Nung naghahanap na ako ng masusuot, binigyan nya ako ng damit. Ngunit, subalit, bagama’t nabigyan na nya ako, ginusto kong palitan ang shorts. Kaya binuksan ko ang maleta at kinuha ang isang shorts.

Nagtataka kayo ngayon, nasaan na si Elisa este yung shorts pala na binigay ni misis? Kung ikaw ay lalaki, malamang alam mo kung nasan ang shorts. Kung ikaw ay babaeng may asawa na, MAS lalaong alam mo na kung nasaan.

Sagot: Ang shorts ay natapon na sa kung saang parte sa loob ng maleta.

Hindi ko naman tinapon. Sa isip ko, at mga lalaki sasang-ayon kayo neto, sa isip ko talaga ‘ligpit’ na yun na nasa loob sya ng maleta. At dahil magkaiba ang isip ng bawat mag-asawa, si misis humirit sa napakakyut na paraan…

Ang kalat, nagsisimula sa isa. -Misis

Totoo nga naman. Sa simpleng Math-tinik, 1 plus 1 ekwals 2. 2 plus 2 ekwals 4. Simpleng bagay lang, pero kada isang simpleng bagay nagdudulot para lumaki. Parang tsismis lang. Sabi ni Aling Nena kay Aling Toma, nagpacheck up sa klinika si Inday na anak ni Aling Itang. Sinabi ni Aling Toma kay Aling Pedring, may sakit si Inday. Sinabi ni Aling Pedring kay Aling Takling, may sakit si Inday at nakita nya itong kasama ang nobyo. Si Aling Takling naman sinabi kay Aling Nanang, buntis daw si Inday na kasamang nagpacheck up sa klinika ang nobyo nya.

Yan! Kasi tsismis. Kaya ang simpleng pagpapacheck up sa klinika ay nahaluan ng nana na detalye at biglang nabuntis si Inday. Nagsimula sa isang simpleng bagay–tsismis.

Ang kalat nga naman, nagsisimula sa isa. Ang malaking dumpsite sa Payatas, nagsimula sa isang plastic bag na nilagyan ng saging na turon na binili ni Junior sa kapitbahay. Ang kalat, nagsisimula sa isa. Tama si Misis.

Kaya eto ang aking resolusyon: PAGSISIKAPIN KONG HINDI MAGKALAT MISKI SA ISANG BAGAY LANG.

Ililigpit ko ang tualya ko sa tamang lagayan. Ang shorts ko. Ang t-shirt ko.

Kailangan bigyang halaga ang isang bagay kahit maliit para hindi makigulo sa malaking larawan. Parang politika lang yan. Karamihan sa mga kurakot na politiko, nagsimulang mangurakot noong TREASURER pa lamang sila sa elementarya. Ayun, ginamit ang pera pang-date sa MUSE nila. Kaya ngayon, milyones ang kinukurakot galing sa pondo para sa mga kalsadang desemento para ipangpundar sa bahay ng kabit.

Ang mensaheng ito ay hindi para sa mga kinauukulan, hindi para sa mga politiko. Ang mensaheng ito ay para sayo, opo ikaw na ordinaryong mamamayan, walang posisyon sa kung anumang maimpluwensyang ahensya ngunit subalit datapwa’t, PWEDENG SIMULANG ANG REBOLUSYON SA ISANG BAGAY. Ang di pagkalat sa sariling mga gamit.

Ito po ang rebolusyon.

Advertisements