Prinsesa Ka, Hindi Si Bela!

by jobrobinson

(This entry has been posted 2012. So any illustration 
or stories that are now irrelevant is due to that fact.)

ANG SUSUNOD NA BABASAHIN AY RATED PG. Patnubay at Gabay ay kailangan.

Babae ka. Valentines na. Wala ka pang date. Natataranta ka.

Kung ikaw ay nasa ganyang posisyon, bagot, walang magawa, at naghahanap ng kaligayahan, tumawag lang sa 1800-0000… Teka! Kung ganyan lang sana kadali ang maghanap ng kaligayahan, ang dami nang pobre sa kakatawag sa call center ng kaligayahan na wala namang makikita kundi pantasya. Tsaka babae ka noh, alalahanin mo ito– ISA KANG PRINSESA!

May mga kababaihang madaling maloko. Dahil dyan, ambilis din nilang masaktan kasi ginagawa silang panandaliang kaligayahan ng kunsinumang lalaki. Ngunit, subalit, datapwat, alalahanin mong ikaw ay isang PRINSESA.

Ano nga ba ang benepisyo sa pagiging isang prinsesa?

*Ang prinsesa’y sinusuyo, nililigawan. Kaya mag-antay po kayo. Bayaan mo sila kung di nila masabi-sabi sayo. Isipin mong kung mahal ka talaga ng lalaki, maghahanap at maghahanap din yan ng paraan para masabi at maipakita sayo na ikaw na prinsesa ay mahal nya. Kung hindi man nya kayanin, ibig sabihin nyan ay niloloko ka ng isang palaka.

*Ang prinsesa’y may sariling paninindigan at karapatan. Bilang mag-asawa, ako ang namumuno sa aming pamilya ngunit hindi ibig sabihin na wala nang karapatan at paninindigan ang babae sa tahanan. Kung babae ka, panatiliin ang iyong mga paninidigang tugma naman sa mata ng Diyos. At kung babae ka, siguraduhing alam mo pa rin ang iyong karapatan! Ang aking nais iparating sa iyo, panatiliin ang iyong pagkababae. Wag isuko sa kung kani-kanino si Bataan. Kung naisuko mo man, pwede mo namang baguhin ang iyong paninidigan, may Batanes pa naman.

Iba kasi ang pinag-aantay ang lalaki. Ako, para nakong tigang na nag-antay na mahubaran makahoneymoon ko ang aking nobya noong nakaraang taon. May mga panahong wari ako si Superman na nakikita ang laman sa likod ng damit. Ngunit sa pamamagitan ng grasya ng Diyos, kinaya ng aking asawa na paantayin ako. Kinaya ko rin sa tulong ng Diyos. Unang karanasan namin pagkatapos ng kasal. Sa wakas, sabi ko! Sa wakas, sabi ko. Ayyyy sa wakas sabi ko!

Kung may paninidigan ka bago pa man dumating si Piolo ng buhay mo, kung may mga sarili kang mithiin bago pa man nagpadingdong sa puso mo si Coco, alalahanin mong ikaw ay prinsesa at dapat na wag mong wala-in kung anuman yan para sa kungsinuman. Prinsesa ka.

*Ang prinsesa’y binibigyan ng magandang buhay, di lamang pag-ibig. Kung akala mo’y si Bela ay mamumuhay ng maayos, pwes hindi! Kung totoo man, kawawa siya! Wala man lang alam na gawin si Edward para maghanap buhay kundi ang magnakaw ng dugo sa kung anumang hayop. Buti nalang hindi sya pinoy kundi si Bela ay sisipsip ng jologs na dugo galing sa mga daga na naubusan ng kakanin kaya pinagtiyatiyagaan ang basura sa Smokey mountain.

Sa totoo lang, hindi ka mapapakain ng pag-ibig. Maghanap ka ng lalaki na hindi lamang pag-ibig ang pinapangako sayo kundi pati bigas! Oo, bigas! Pero kung ikaw ay nakatira sa labas ng bansa ng ilang taon, pwes maghanap ka ng lalaking makakapagbigay sa yo di lang ng pag-ibig kundi pati bacon. Oo bacon! Hindi longganisa, soriso, tuyo… BACON!

Kung ikaw man ay kasalukuyang nililigawan ng manlolokong lalaki, sinasabi sayong nahuhulog sya sayo pero alam mong sinasabi din nya sa ibang babae, eto ang sabihin mo sa kanya…

Libangan mo ba ito, yung lagi kang nahuhulog?

Prinsesa, wala ka dun sa baba, nasa taas ka, nag-aantay sa iyong tadhana. At kung hindi ka man makaantay, libangin mo sarili mo. Natutuwa nga ako’t hindi nainip si Rapunzel sa kakaantay sa taas ng tore. Buti nalang hindi nya kinain buhok nya. Wag nyo yang gawin ah. Tsaka hindi naman ikaw may hawak sa buhay mo eh, ang Diyos. May nakahanda Sya para sayo. Andami ko ngang kaibigan na 40 na ang edad pero nakasal parin. Tigang na kung tigang! Pero dumating na man panahon nila.

Ganito lang yun, ang sarap umibig! Pero mas masarap kung alam mong ang iniibig mo’y magwawakas sayo. Kaya kung wala kang date ngayong Araw ng mga Puso, gayahin si Yeng Constantino–okay lang maging single sa Valentines.

Ito ang rebolusyon… Kababaihang maninidigan sa tamang lugar. Kababaihang alam kung ano ang kanilang kahalagahan.

Advertisements