Bawal Ang Pasaway Na Mga Magulang!

by jobrobinson

Simula nung dumating kami mula Tokyo, Japan, napansin ko na nag-iba ang pamamaraan ng MTRCB sa TV. Kung noon ay pwede baliwalain ng mga istasyon ng TV ang RATED PG na patalastas bago ang susunod na programa, ngayon ay relihoyosong napapalabas na ng lahat ng istasyon.

Ngayon nga may tatlong ‘ratings’ na ang MTRCB sa mga palabas sa TV– G, PG, SPG. Ang ‘G’ ay ang ‘General Patronage’ o yung palabas na pwede sa lahat at walang nilalamang di magandang asal o kabastusan. Syempre, alam natin ang PG. Ngunit, ang pinakabago ay ang SPG na tila nung nakita ko habang nanunuod ang aking kaibigan ng Pinoy Big Brother ay may dating na pang rated ‘R’ o yung mga ratings ng mga hubarang palabas. Habang nanunuod ang aking kaibigan ng PBB, lubos akong nainis sa aking mga nakita. Mayroong pinagawa si ‘Kuya’ nila hindi ko kuya at ayokong maging kuya yan habang buhay. Ang halikan ang sinuman kung di nila maipagpatulog ang challenge ng dire-direcho. Kaya habang ginagawa nila yun, hinahalik-halikan nila ang kahit sino-sinong dapat nilang halikan. Buti nalang dise-otso na ang aking kaibigan at hindi katorse na kasing-pusok ni Binibining katorse sa TV.

Nakakalungkot isipin na halos lahat ng mga palabas sa TV ngayon ay wala nang iniisip kundi papaano makuha ang atensyon ng manonood para sila ay kumita. Nakakainis, gusto kong humawak ng ebak at itapon sa TV. Ngunit, subalit, teka, meron pa rin tayong pwedeng gawin. Diba po, ang ibig sabihin ng rating ay PARENTAL GUIDANCE o sating wika PATNUBAY NG MAGULANG. Hindi po yan PK (Patnubay ng Kapitbahay), hindi PP (Patnubay ng Pastor/Pari), hindi po yan PB/G (Patnubay ng Boypren/Gelpren). Kung PB/G po yan o Patnubay ng Boypren/Gelpren ay aba’y itataya ko ang aking mga alas na buntis o nakabuntis na ang karamihan sating mga KATORSENG kabataan ngayon at ginagaya na ang buhay ni Katorse kaya naiwan sa baryo na nag-aantay ng mayamang lalaking kukupkop sa kanya. Alam nyo ba na sa lahat ng palabas sa TV, 5% lang ang rated G? Panoorin po ang video na ito para mas malaman ang istorya sa likod ng MTRCB, ang tumatayong MAGULANG sa mga MAGULANG sa tahanan.

Mga kaibigan, kapuso, kabarkada, kapamilya, kapatid, katong-its, ka-chikicha, ka-drag race (totyal!), at lahat ng KA-KA, tayo po’y nakakaintindi kung ano ang PATNUBAY NG MAGULANG. Ang mga palabas sa TV ay kadalasang pinagmumulan ng asal ng mga kabataan. Kung tutuusin sakin lang, naging larawan ng barkadahan para sa akin ang lumang TGIS kada Sabado at ang Dawson’s Creek (para jologs at sosyal). Nandyan din ang Tabing Ilog at Gimik. Malaki ang nagagawa ng TV sa pagkatao natin. Pwede itong humubog sa ating mga asal. Kaya mga magulang, ito po ang ating pwedeng gawing rebolusyon– ang PATNUBAYAN ang ATING MGA ANAK sa kanilang panunuod sa TV.

Wala pa po kaming anak. Buntis pa po si Misis ng magtatatlong buwan. Pero kaisa nyo po ako sa rebolusyong ito.

Ang patnubayan ang ating mga anak sa kanilang panunuod sa TV. Ito ang reboluson.

Advertisements