Boxing Ni Manny Pacquiao Nagtapos Na

by jobrobinson

Sa totoo lang po, hindi ako fan ni Manny Pacquiao at hindi rin ako sold out pag sinasabi nya noon na para sa Pilipinas ang kanyang mga panalo. Ang sakin lang ay alam naman natin na para sa sarili niya ang kanyang ginagawa, sa pera, sa sariling pangarap.

Ngunit, malaking subalit, mahabang datapwaaaaat, ito’y nagbago simula nung narinig ko na ang ating Pambansang Kamao ay nagbago na daw at tinanggap na si Hesus bilang kanyang Panginoon at tagapagligtas. Hindi ako makapaniwala sa simula. Bagkus, nag-antay ako ng panahon upang marinig ko mismo sa kanya na tinanggap na nga niya si Hesus bilang kanyang Panginoon. At totoo nga, hindi ito isang tsismis na pinagkakalat lang sa Twitter na wariy walang magawa ang ibang kababayan natin kundi mag-imbento ng kung ano ano para lang magtrending… Buti nalang itong kay Ninong Manny (Ninong na po kita ha. Hahaha) hindi intriga na walang katotohanan. Totoo nga!!! You know! Yun oh! Itong video nga ang nakakaantig ng puso kasi si Ninong nag-pepreach ng gospel.

Ano ba ang ating matututunan sa balitang ito?

1. Ang tao, pwedeng relihiyoso ngunit walang tunay na relasyon sa Diyos.
Sa mga interviews naman ni Pacquiao noon, palagi naman niyang nababanggit ang Panginoon. Ngunit sa kanyang mga salita ngayon, para bang ngayon palang nya nakilala ang Diyos. Marami siguro ang mapupukaw nito. Siguro may iba sa atin na matagal nang nagsisimba ngunit walang tunay na relasyon sa Panginoon.

2. Ang tao, di porke nagsisimba ay ang Diyos ang kanyang Panginoon.
Sa sinabi nga ni Ninong, noon daw ay mabilis syang magalit, nagsusugal, nambababae. Kahit sabihin nya nga noon na nananampalataya sya sa Diyos, iba naman ang kanyang mga ginagawa na di angkop sa salita ng Diyos. Marami din po sa atin na ganito ang buhay. Sasabihing relihiyoso ngunit nagpapatuloy sa buhay na makasalanan. Ang salitang PANGINOON po ay klaro– na ang DIYOS ang PANGINOON, hindi ang pera, hindi ang problema, hindi ang asawa, hindi ang edukasyon, hindi ang barkada, hindi ang pag-ibig na madalas nambibigo bugogs!

3. Na si Pacquiao ay tapos na sa boxing!
May mga balitang tatapusin na daw nya ang boxing career nya sa mga darating na buwan. Hindi tayo sigurado neto, pero may isang siguradong bagay. Tapos na si Manny Pacquiao sa pakikipag-boxing sa Panginoong Diyos. Tapos na nyang subukang patunayan na kaya nya sa sarili nya ang lahat ng bagay sa buhay nya at sa wakas ay pinapatnubaya na niya ng tunay ang kanyang buhay sa Diyos.

Ninong Manny, saludo po ako sa inyo! Hindi dahil sa mga napanalunan mong boxing fights, ngunit sa napanalunan mo sa pagtanggap kay Hesu Kristo bilang Panginoon at tagapagligtas! Ito ang iyong bagong rebolusyon na tinatahak… Ang mamuhay sa piling ng Diyos at ipamalita ang Mabuting Salita.

Ito ang rebolusyon!

Advertisements